Archive

Posts Tagged ‘noynoy aquino survey’

president noynoy aquino’s SONA 2013 – transcript & video

July 21, 2013 Leave a comment

a great find:

State Of The Nation Addresses 1935 to 2012
http://www.gov.ph/past-sona-speeches/

in tomorrow’s SONA 2013, we’re expecting the following:

  • definitive words to address, fix, resolve and punish those guilty in the most recent P10B pork barrel scam. aquino won a landslide election on the basis of his anti-corruption platform, “daang matuwid”. he has been bragging about his “daang matuwid” stance from the beginning of his term as president. being silent about the pork barrel scam in his SONA in inconsistent with his platform. he should in fact be emphatic about it, state his action on how to get to the bottom of it and prevent it from happening again with the same passion he had during the corona impeachment.
  • job generation. poverty is a key issue in the country, still affecting a majority of the population. job generation is a key component to fixing the country’s poverty.
  • infrastructure – so many components of the philippine economy are hampered by the country’s poor and high lack of infrastructure.  all industries and specially the people will benefit from an aggressive pursuit of infrastructure, including job generation.

english translation of SONA 2013 here : http://www.gov.ph/2013/07/22/english-benigno-s-aquino-iii-fourth-state-of-the-nation-address-july-22-2013/

 

State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines To the Congress of the Philippines

[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 22, 2013]

Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.

Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:

Isang , magandang hapon po sa inyong lahat. [Applause]

Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.

Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino. [Applause]

Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. [Applause] Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. [Applause] Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre. [Applause]

Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.

Ang atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligin ng sipag, alagaan ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE scholars. Sa 500,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat sampu ang nagtatrabaho na. [Applause] Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga nagtapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 percent na mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.

Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa ating pong administrasyon. [Applause]

Mayroon pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila. [Applause]

Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: natupad po. Nabura na ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Brother Armin Luistro, [Applause] pati po ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin sa taong ito. Ang magandang balita pa: May kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program. [Applause]

Hindi po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat sa isang tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang katumbas nito: halos 2.9 billion pesos. [Applause] Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.

Kung nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, “Puwede na ‘yan, tapos na ang trabaho ko,” gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga taon ay mapunuan na rin. [Applause]

Ang pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. [Applause] Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili. [Applause]

Datos na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga magsasaka.

Halimbawa po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging produktibo. Ang tugon: intercropping.

Tutulong ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?

Nasimulan na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa 5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90 lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut intercropping. [Applause]

Itinitimon na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda. Isipin po ninyo: Pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong 2009. Sila ang nanghuhuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya, tinik na lang.

Kaya nga po: Nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa Bataraza sa lalawigan ng Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng lapu-lapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza. [Applause] Kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin ang mga kalsada, tulay, at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo para sa ating mga mangingisda.

Read more…

%d bloggers like this: